Ipinagpaliban ng Korte Suprema sa susunod na linggo ang pagtalakay sa election protest ni Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang Supreme Court ang tumatayong Presidential Electoral Tribunal at kabilang sana sa mga nakatakdang talakayin sa kanilang en banc session kanina ang protesta ni Marcos.
Bagamat handang maghintay ang kampo ni Marcos, nais nilang maaksyonan agad ng P-E-T ang kanilang protesta.
Batay sa opisyal na resulta ng bilangan, mahigit 260-thousand na boto lamang ang lamang ni Robredo kay Marcos.
Sa kaniyang protestang inihain nitong nakaraang Miyerkules, nais ni Marcos na mabale-wala ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur dahil dati na umanong shaded ang mga balotang ginamit doon
Hinihiling din ng senador na magkaroon ng manual recount sa dalawamput dalawang lalawigan at sa mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cebu, Lapu-Lapu at Zamboanga dahil sa umano’y mga anomalya sa pagsasagawa ng halalan doon.
Nais ni Marcos na mapawalang-bisa ang proklamasyon kay Robredo at ideklara na siya ang tunay na nanalong bise presidente sa nakaraang halalan.
Batay sa panuntunan ng Presidential Electoral Tribunal, magkakaroon muna ng determination kung sufficient in form and substance ang protesta ni Marcos.
Pagkatapos nito ay saka lamang padadalhan ng aatasan si Robredo na sumagot sa protesta sa loob ng sampung araw.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Election protest ni Sen. Bongbong Marcos, en banc session, hindi pa natalakay, Korte Suprema