Election period at gun ban, nagsimula na

by Jeck Deocampo | January 14, 2019 (Monday) | 14449

Nagsimula na ang election period noong Linggo, ika-13 ng Enero, kaugnay ng 2019 midterm elections.

Kaalinsabay nito, nawalan na ng bisa ang Permit to Carry Firearms Outside of Residences ng mga gun owner. Ibig sabihin, bawal na ang pagdadala ng baril ng walang gunban exemption mula sa Comelec.

Nagpaalala ang si PNP Police Director General Oscar Albayalde, “mayroon tayong gun ban hanggang June 12.  So hopefully, ‘yung ating mga kababayan ay sumunod dito sa pinapatupad natin o ipinapatupad ng Comelec na gun ban.”

Bunsod nito, naglagay na ng mga checkpoint sa ilang kalsada ang mga tauhan ng Philippine National Police sa ilalim ng pangangasiwa ng Commission on Elections.

Ayon sa Comelec, dapat ay may kaukulang karatula ang mga checkpoint kung saan nakasaad rin ang pangalan ng election officer sa lugar at ang chief of police na nakatalaga sa siyudad o bayan. Naka-pwesto na rin dapat ang mga ito sa mga maliliwanag o well-lit area

Paalala rin ng poll body na visual inspection lamang ang dapat isagawa ng mga pulis sa mga motorist. Ngunit kung kahina-hinala ang aksyon o reaksyon  ng motorista o pasahero ay maaaring magsagawa ng mas masusing pagsisiyasat ang mga pulis

Tumigil sila; patayin ang headlight; buksan ang ilaw sa loob; ibaba ang bintana; i-ready ang mga papeles na pwedeing hingin, ang lisensya, OR/CR; at makipag-cooperate,” ani Metro Manila Police chief PDir. Guillermo Eleazar.

Humihingi ang awtoridad ng pasensya kung makapagdulot man ng kaunting abala ang mga checkpoint. Anila, layon lang nito na maisulong ang malinis, mapayapa at mapagtitiwalaang eleksyon

Kaya naman nanawagan ang Comelec Chairman Sheriff Abas sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa batas, “since pumasok na ang election period natin, sakop na siya ng Comelec rules. So, talagang kapag nahuli ka, it will be a violation of election laws; talagang ipo-prosecute ka ng mga kasamahan natin sa Comelec as well as DOJ.”

Nanawagan rin ang Comelec sa publiko na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang sinomang aabuso o lalabag sa kanilang mga checkpoint maging ito man ay mula sa panig ng mga awtoridad.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , , ,