Election case na iniuugnay sa Dengvaxia vaccination program, walang basehan at harassment lang – PNoy

by Radyo La Verdad | March 16, 2018 (Friday) | 12183

Iginiit ni dating Pangulong Benigno Aquino III na walang basehan at harassment lang ang election case na isinampa ng VACC kaugnay ng inilabas na pondo para sa pagbili ng Dengvaxia vaccines.

Ito ang tugon ni Aquino sa reklamong paglabag sa election law na isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) laban sa kaniya at kina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Butch Abad.

Inaakusahan ang tatlo ng paggamit umano ng Dengvaxia vaccination program upang mapaboran ang mga kandidato ng Liberal Party noong 2016 elections.

Pero ayon sa dating pangulo, wala silang nilabag na batas nang aprubahan ang release ng 3.5 billion pesos na pondo sa pagbili ng Dengvaxia.

Malinaw aniya sa records na March 9, 2016 pinirmahan ang purchase order habang March 25, 2016 naman nagsimula ang election ban.

Sinabi naman ni former Health Secretary Janette Garin, mismong Comelec ang nagsabi noon na hindi ito saklaw ng election ban.

Pero ayon sa abogado ng VACC, malakas ang kanilang ebidensiya na nagamit sa halalan ang vaccination program.

Naghain na ng kontra-salaysay sina Aquino sa Comelec Law Department.

Pero pinasasagot pa dito ang mga complainant bago magpasya ang Comelec kung dapat nga bang makasuhan ang dating pangulo dahil sa pagbili ng Dengvaxia.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,