El Niño Team, naghahanda na para sa paparating na tagtuyot sa 2024

by Radyo La Verdad | July 25, 2023 (Tuesday) | 3229

METRO MANILA – Pinag-usapan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga hakbang laban sa magiging epekto ng El Niño na aasahan sa unang 3 buwan ng 2024.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, kinakailangang maging handa sa maaaring maging epekto ng El Niño sa pamamagitan ng pinagsama-samang aksyon ng mga ahensya gobyerno at ng kooperasyon ng buong bansa.

Isinagawa ng mga departamentong kabilang sa pagpupulong ang 4 na thematic pillars ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) na Prevention and Mitigation, Preparedness, Response, at Rehabilitation and Recovery.

Samantala, iniulat ng DENR – National Water Resources Board kasama ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kanilang mga naging aksyon at solusyon upang masiguro ang pagkakaroon ng sapat na supply ng tubig sa kanilang nasasakupan.

Nagbigay naman ng update ang Department of Agriculture (DA) tungkol sa iba’t ibang proyekto pagdating sa patubig, pananim, pangingisda at paghahayupan upang matiyak na sapat at madaling makukuha ang mga pagkain, kasabay ng ligtas at pantay na presyo ng mga ito.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: