Lalong lumaki ang tsansa na makaranas nang malawakang tag-tuyot ang bansa sa huling bahagi ng taon.
Ayon sa OIC ng Climps o Climate Monitoring and Prediction Section ng Pagasa na si Anthony Lucero, posibleng lumakas pa ang el niño phenomenon sa susunod na buwan.
Sa obserbasyon ng mga siyentipiko, posibleng umabot sa 3 degrees ang itataas nitong temperatura kumpara sa normal nitong init sa karagatan.
Ayon sa Pagasa, noong year 1997-98 ang pinakamatinding epekto ng El niño sa bansa at sa pagtaya ng ahensya maaaring ma-break ang record na ito ngayon taon.
Pangunahing maaapektuhan nito ay ang mga lugar na kabilang sa climate type 1 at type 3 o yung mga lugar na nakararanas ng 5-6 buwan na tag-ulan at 5-6 months na tag-tuyot.
Simula sa Oktubre posibleng maramdaman na ang nasa 60-80% na pagbaba sa dami ng ulan na posibleng tumagal hanggang Marso ng 2016.
Mahigit sa 50 probinsya ang posibleng maapektuhan nito.
Bukod sa Pilipinas, apektado rin ng El Niño ang mga bansa sa South East Asia, Australia, Japan at ilang lugar sa China. ( Rey Pelayo / UNTV News)