Ekonomiya ng Pilipinas, makakabawi pa rin sa Q4 ng 2021 kahit may ECQ sa NCR

by Erika Endraca | August 11, 2021 (Wednesday) | 10180

METRO MANILA – Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na mapapanatili ng bansa ang paglago ng ekonomiya sa huling bahagi ng taon.

Ito ang tugon ng palace official nang tanungin kung sustainable ba ang economic growth sa gitna ng umiiral na pinaka-istriktong community quarantine sa National Capital Region.

“And we’re hoping po na bagama’t tayo po ay nag-lockdown ngayon ng two weeks ‘no, na makakabawi pa rin tayo sa last quarter. Ginawa nga po natin itong lockdown na ito ngayon na para makabangon tayo ng last quarter ng taon dahil iyong last quarter po, traditionally, iyan ang pinakamasiglang panahon para sa ekonomiya.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Matapos ang ilang beses na pagbagsak, nakaranas na rin ng Pilipinas ng paglago ng ekonomiya sa gitna ng krisis sa kalusugan nang maitala ang 11.8% na Gross Domestic Product (GDP) sa second quarter ng 2021.

Pinakamataas itong naitala mula noong 4th quarter ng 1988 at may pinakamalaking nai-ambag sa ekonomiya ang mga sektor ng manufacturing, construction, wholesale at retail trade at repair ng motor vehicles at motorcycles.

Ibig sabihin, pagkatapos ng 15 buwan ng contraction, nakabalik na sa year-on-year growth ang ekonomiya ng bansa.

Ayon sa economic managers ng Duterte administration, ito ang resulta sa pagbalanse sa pag-iingat ng kalusugan at hanapbuhay sa gitna ng pandemya.

“The robust performance is driven by more than just base effects. It is the result of a better balance between addressing COVID-19 and the need to restore jobs and incomes of the people” ani National Economic and Development Authority Sec. Karl Chua.

Ayon naman kay National Statistician Dennis Mapa, kinakailangang 8.2% ang maging paglago ng ekonomiya sa 2nd half ng 2021 upang maabot ang 6% na gdp growth para sa taong ito.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,