METRO MANILA – Tumaas nang 5.6% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong nakaraang taon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ito kumpara sa negative 9.6% annual GDP noong 2020.
“This shows that our policy is right, we have allowed the economy to open, cases actually fell as we opened the economy prior to the omicron, and we will continue to see this trend I believe in 2022.” ani NEDA Sec. Karl Chua.
Kabilang sa mga sektor na nakapagtala ng paglago sa taong 2021 ay ang industry gaya ng manufacturing at construction at services. Ngunit nakapagtala naman ng -0.3% ang sektor agrikultura.
Sa kabila naman ng Delta surge at pananalasa ng typhoon Odette noong nakaraang taon, ayon sa ahensya, lumago pa ang ekonomiya ng bansa noong 3rd at 4th quarter ng 2021.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua, kumpiyansa silang mahihigitan pa ngayong taon ang pre-pandemic levels ng paglago ng ekonomiya.
Halos P100-B na lamang din daw ang agwat ng naitalang nominal GDP ng Pilipinas noong 2019 at nitong 2021.
Posible rin aniyang bumaba pa ang alert levels sa mga darating na buwan sakaling magtuluy-tuloy ang nakikitang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon naman sa palasyo, patunay ang paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon ng katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng epekto ng pandemya at mga kalamidad.
Nagpasalamat naman si Chua sa kongreso sa pag-amyenda sa ilang economic bills gaya ng Retail Trade Liberalization Act.
Umaasa ang kalihim at ang palasyo na maaaprubahan na rin ang pinal na bersyon ng amended public service act bago mag-adjourn ang senado at kamara. Target ng gobyerno na lumago pa nang 7 – 9% ang ekonomiya ngayong taon.
(Harlene Delgado | UNTV News)