Ekonomiya ng Pilipinas, lumago ng 7.6% nitong 2022

by Radyo La Verdad | January 27, 2023 (Friday) | 9428

METRO MANILA – Tumaas sa 7.6% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa taong 2022 kumpara sa 5.7% noong 2021 habang nasa 7.2% naman ang naitalang GDP sa ika-4 na quarter noong nakaraang taon.

Ayon kay Philippine Statistics Authority Undersecretary Dennis Mapa, ito na ang pinakamataas na naitala simula noong 1976 na nakapagtala ng 8.8% growth rate. Ito na rin ang ika-7 sunod-sunod na paglago ng ekonomiya mula noong 2021.

Ilan sa mga nakapagbigay ng malaking kontribusyon ng paglago ng ekonomiya ng bansa ang household final consumption expenditure na may 6.1% growth, construction na may 1.7%, at government final consumption expenditure na 0.8%.

Ang value ng GDP na naitala ay katumbas ng P22.02T, mas mataas ito ng 13.5% sa P19.41T noong 2021.

Maituturing ngang nasa recovery stage na ang bansa simula noong pandemic level ngunit bumaba naman ng -0.3% sa sektor ng agrikultura.

Nitong buwan, pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang importasyon ng sibuyas dahil sa kakulangan ng produksyon at taas ng demand nito.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa kung hindi nag-import ng sibuyas dahil maapektuhan naman ang mga food manufacturing industry at ang lalong tataas ng demand nito. Ibig sabihin, magiging sanhi rin ito ng patuloy na pagtaas ng inflation rate.

Inaasahang sa Mayo ngayong taon naman ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang report para sa 1st quarter ng 2023.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,