Maganda ang pasok ng unang bahagi ng taon para sa ekonomiya ng bansa ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Mula sa 6.5 percent na gross domestic product (GDP) rate noong unang quarter ng 2017. Pumalo na sa 6.8 percent ang GDP growth sa kaparehong quarter ngayong taon.
Mga sektor ng kalakalan, manufacturing at iba pang serbisyo ang pinakanamayagpag na mga industriya para sa unang 3 buwan ng 2018.
Samantalan, tumamlay naman ang performance ng agriculture at fisheries subsector. Isa sa mga naging dahilan nito ay ang naging kakapusan sa buffer stock ng National Food Authority (NFA).
Kaya para makabawi ayon sa NEDA, mahalaga na magkaroon ng pagbabago sa sistema ng NFA. Dapat anila ay tanggalin na ang commercial function ng NFA upang mapagtuunan na lamang nito ang kakayahang mag-imbak ng bigas o bufferstocking.
Sang-ayon naman aniya rito si Pangulong Rodrigo Duterte kaya ipinamamadali na sa Kongreso ang pag-amyenda sa Agricultural Tarrification Act upang muling bigyang sigla ang sektor ng agrikultura.
Sa inilabas na pahayag naman ng research group na IBON Foundation, wala umanong katotohanan ang sinasabi ng mga economic managers ng pamahalaan na pansamantala lamang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ito ay dahil magpapatuloy anila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa susunod na 2 taon kapag naipatupad na ang magkasunod na dagdag sa excise tax sa mga produktong petrolyo
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )