Ekonomiya ng Pilipinas, bumagal ang paglago sa 7.4% sa 2nd quarter ng 2022

by Radyo La Verdad | August 10, 2022 (Wednesday) | 24538

METRO MANILA – May bahagyang pagbagal sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa gitna ng mataas na inflation.

Sa 2nd quarter ng 2022 naitala ang 7.4% Gross Domestic Product (GDP) growth ng bansa, mababa ito kumpara noong 1st quarter na may 8.2 percent.

Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) National Statistician Usec. Dennis Mapa, nagbigay ng malaking kontribusyon dito ang services at industry sectors.

Ipinahayag ni National Economic Development Authority (NEDA) at Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan, ito ang pinakamabagal na pag-angat sa ekonomiya sa nakalipas na 3 quarter.

Ngunit sa kabila naman nito, pangalawa pa rin ang Pilipinas sa pinakamabilis naman sa Asya sa 2nd quarrter ng taon.

Magkagayon man, nananatili aniya na alalahahin ng pamahalaan ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa economic recovery ng bansa.

Paliwanag pa ng NEDA Chief, tututukan ng administrasyon ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng pandemya at pagpapalakas ng kapasidad ng mga ospital upang hindi makaapekto sa mga hakbang ng pamahalaan na maibangon ang ekonomiya ng bansa.

Kumpiyansa naman si Secretary Balisacan na malaki rin ang maitutulong sa ekonomiya ng bansa ang muling pagbabalik ng face-to-face classes dahil sisigla ang domestic activities na kapakinabangan ng mga maliliit na negosyo.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,