Walang pag-aming nangyari na pumaslang o gumawa ng krimeng murder sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang tanging kasalanan lang aniya ay extrajudicial killing.
Wala ring merito at hindi uusad ang impeachment complaint laban sa Pangulo kung gagamitin itong batayan. Ito ang paninindigan ng Malacañang matapos na mapaulat ang pahayag ng isang dating college law dean na si Antonio La Viña na ang EJK admission umano ng Pangulo ay culpable violation sa Saligang Batas.
Hindi rin aniya maaaring magamit na ebidensya ito laban sa punong ehekutibo sa International Criminal Court (ICC) dahil wala namang pending investigation ang naturang korte.
Hinamon naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque si La Viña na simulan na ang proseso sa pagsusumite ng impeachment complaint dahil sa EJK statement.
Bukod dito, maling katawagan at wala rin aniyang krimeng EJK sa ilalim ng domestic at international law.
Samantala, bilang isang abodago, nanindigan si Roque laban sa usapin ng iba na dapat magkaroon na ng hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil malinaw aniyang gumagana ang judicial system sa bansa.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )