EDSA, idineklara ng MMDA na “traffic discipline zone”

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 12183

Kahit walang traffic enforcers ay dapat sumunod ang mga motorista sa batas trapiko sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA). Ito ang ipatutupad ng MMDA matapos nitong ideklara ang EDSA bilang traffic discipline zone o self-disicipline zone para sa mga motorista.

Mula sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang website, idineklara ito ng ahensya kasabay ng pagtatalaga kay Bong Nebrija na bagong traffic manager sa EDSA.

Kailangan aniya ang pagtataguyod ng kooperasyon at disiplina sa bawat motorista na dumadaan sa EDSA. Ilan sa mga ipinatutupad na batas trapiko sa EDSA ay ang high occupancy vehicle (HOV) lanes policy, kung saan hindi pwedeng lumabas sa yellow lane ang mga public utility bus, UV express services at school buses.

Gayundin ang motorcycle lane o ang blue lane na nakapwesto sa pang-apat na lane mula sa bangketa kung saan lang dapat dumaan ang mga nakamotorsiklo. Mahigpit ding inoobserbahan ang loading and unloading rules at ang closed door policy sa EDSA.

Sa dami ng sasakayang dumadaan sa EDSA, ang tangi na lang magagawa ng MMDA ay mapanatiling patuloy na dumadaloy ang mga sasakayan sa kalsada.

Dagdag pa ng MMDA, sa kasalukuyan ay mas nakatuon ang ahensya sa pagpapaalala at pagbibigay-alam sa mga motorista ng mga panuntunan sa batas trapiko sa EDSA.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,