METRO MANILA – Pinasinayaan kamakailan sa Department of Agriculture (DA) ang isang ‘edible landscape’ na ipinorma sa logo ng kagawaran sa ilalim ng proyektong “Hardin ng Kalusugan at Pagkain” ng Institute of Crop Science, College of Agriculture and Food Science ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at ng Edible Landscaping movement.
Ang edible landscaping ay isang paraan ng pagsasaka kung saan estetikong pinagsama ang sining at prinsipyo ng landscaping para sa produksyon ng pananim bilang mapagkukunan ng pagkain sa mga sambahayan.
Pinangunahan ni DA Secretary William Dar ang ribbon-cutting ceremony at ang ceremonial turnover ng ‘shovel o pala’ bilang simbolo sa paglinang at pagpapalago ng mga pananim sa pamamagitan ng edible landscaping.
Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research (BAR), sa ilalim ng Plant, Plant, Plant program bilang tugon sa kampanya ng kagawaran na magkaroon ng mga komunidad na may matatag na pagkukunan ng pagkain sa gitna ng pandemya at upang maisulong ang urban farming gamit ang kasalukuyang teknolohiya gaya ng organic farming, vertical farming, hydroponics, at horticulture.
Sinimulan ang konstruksyon ng ‘edible landscape’ ng DA noong Agosto na siyang hinango din sa logo ng kagawaran.
“The design of our marker symbolizes kung ano iyong crop production, encouraging crop production and urban agriculture. Lahat ng nakadikit po doon ay tools in plant production,”ani UPLB-EL project leader, Dr Fernando C. Sanchez, Jr.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)
Tags: DA