ECQ reimposition sa NCR at 4 na lalawigan, hindi makakaapekto ng malaki sa ekonomiya – Malacañang

by Erika Endraca | March 29, 2021 (Monday) | 8750

METRO MANILA – Tatagal ng 1 Linggo ang muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan mula ngayong araw, March 29 – April 4.

Ito ay upang tugunan ang tumitinding Covid-19 crisis sa bansa at ang pag-abot na sa kritikal na kapasidad ng mga ospital lalo na sa Metro Manila.

Naniniwala ang palasyo na hindi matindi ang epekto ng muling pagpapatupad ng istriktong quarantine sa greater manila area dahil itinapat ito sa mga araw kung kailan marami ang nakabakasyon sa kanilang mga trabaho.

“Well unang-una pagdating po sa ekonomiya, eh tinyempo na po natin sa semana santa kasi talaga namang wala pong trabaho ng maundy Thursday, good Friday at saka Saturday/Sunday, extended weekend po iyan. So minimal po iyong magiging interference kumbaga doon sa ating mga trabaho.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa ilalim ng ECQ, 6pm hanggang 5am ang curfew na iiral subalit hindi nito sakop ang essential workers, cargo vehicles at public transportation.

Nilinaw naman ng palasyo na hindi na kailangan ang travel pass.

Bukas ang mga mall subalit para lamang sa mga essential store gaya ng groceries, pharmacies at hardware.

Bawal ang dine-in sa restaurants o kainan at delivery o take-out lamang ang pinapayagan.

Bawal na ang anumang mass gathering o pagtitipon ng higit sa 10 tao.

Samantala, kahit ECQ, accessible pa rin ang mga pampublikong transportasyon sa mas mababang kapasidad batay sa panuntunan ng department of transportation.

Tuloy din ang malalaking public at private construction projects.

Dapat namang manatili sa loob ng bahay ang mga less than 18 years old, mga lagpas 65 years old, may immunodeficiency, comorbidity, may iba pang health risks at mga buntis.

Maaari lamang lumabas ng bahay para maka-access sa pangunahing pangangailangan at serbisyo, mga nagta-trabaho sa pinapayagang tanggapan at establishments at mga authorized person outside of residence.

Ang mga sektor at establisyemento na pinapayagang mag-operate ng full operational capacity ay mga pampubliko at pribadong ospital, health, emergency at frontline services, manufacturers ng medicines, medical supplies, devices at equipment, agriculture, forestry, fishery at agri-fishery stores, delivery at courier services ng pagkain, medicine at iba pang essential goods.

50% operation capacity naman ang mga private establishments ng essential goods at services, media establishments at mga trabahanteng accredited ng Department of Transportation (DOTr).

Samantalang skeletal workforce naman ang karamihang establisyemento at sektor.

Asahan na ang mas maigting na presensya ng mga uniformed personnel upang matiyak na restricted ang galaw ng mga tao sa pag-access ng essential services at trabaho.

Inaasahan naman ng palasyo na sa muling pagpapatupad ng ecq sa greater manila area, bababa ang covid-19 cases ng higit sa 25%.

“Pagdating po doon sa pagdami ng kaso, inaasahan po natin na magiging malaki pong epekto ‘no at mapapababa po natin ang mga kaso ng Covid-19 dahil sa ngayon po eh lampas 10,000 na nga po per day ang mga kaso ng Covid-19.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pagkatapos ng 1 Linggo, magsasagawa ng pagtaya ang gobyerno kung kinakailangan bang palawigin o tapusin na ang ECQ reimposition batay sa health care utilization rate at dami ng Covid-19 cases.

Asahan naman ang pagpapaigting ng mga lokal na pamahalaan sa prevention, detection, isolation at treatment sa Covid-19.

Kabilang na dito ang pagtukoy, isolation at quarantine sa 95% ng mga close contacts.

Magbabahay-bahay din at maghahanap ng mga taong may sintomas ng Covid-19 sa mga lugar na may clustering of cases.

Sa Region 3 naman, Cordillera Administrative Region, Batangas Province at Quezon Province, dapat ipatupad ang enhanced prevent, detect, isolation, treatment and rehabilitation measures.

Kabilang na dito ang pagpapatupad ng lockdown na maaaring mapalawig sa buong munisipyo o lungsod sa pagsang-ayon ng regional IATF.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,