METRO MANILA – Handa na ang pamahalaang ipatupad muli ang pinaka-istriktong community quarantine sa Metro Manila sa loob ng 2 Linggo upang maiwasang malugmok ang health care capacity sa rehiyon bunsod ng mas nakahahawang Delta variant.
Maliban sa mga Authorized Persons Outside Residence(APOR), hindi maaaring tumawid sa intercity boundary sa Metro Manila ang mga tinatawag na consumer APOR.
Tatauhan ng mga pulis ang mga checkpoint sa boundaries ng mga lungsod sa kapitolyo upang matiyak na hindi tumatawid ang mga di otorisado.
Umapela naman ang Duterte administration sa mga residente sa Metro Manila na maging homeliners.
Nanawagan din ito sa mga pinuno sa bawat pamilya na ipatupad ang household lockdown upang maiwasan ang lubhang pagtaas ng COVID-19 dahil sa Delta variant.
“Ang aking panawagan po, wag na nating iasa sa gobyerno ang pagpapatupad ng ECQ, lahat po ng hepe ng pamilya, magdeclare na po kayo ng lockdown, walang lalabas sa tahanan, kasi kung mga hepe po magpapatupad niyan, sigurado po, hindi na mahihirapan ang gobyerno” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, inilagay din ng IATF sa ECQ ngayong araw hanggang August 15 ang Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro.
Modified ECQ naman sa Cavite, Lucena City, Rizal at Iloilo province samantalang General Community Quarantine with heightened restrictions naman ang Batangas at Quezon.
Pagtitiyak ng palasyo, maghahanap ng pondo ang pamahalaan upang mapagkalooban din ng ayuda ang mga maapektuhan sa mga lugar na isinailalim na rin sa ECQ.
“Siguro sabihin na lang natin na it’s not an issue of mayroon bang pondo kung hindi maghahanap ng pondo; kasi ang mandato ng presidente huwag mag-ECQ nang walang ayuda. Now, kung walang budget for ayuda, hahanap naman po tayo” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)