Ecowaste Coalition, nagsagawa ng kilos protesta sa Plaza Miranda

by monaliza | March 30, 2015 (Monday) | 1936
Photo credit: Victor Cosare/UNTV Correspondent
Photo credit: Victor Cosare/UNTV Correspondent

Idinaan sa kilos protesta sa Plaza Miranda ng Ecowaste Coalition ang kanilang panawagan para solusyunan ang problema sa plastic ng bansa.

Isang maikling pagsasadula din ang isinagawa ng grupo na may temang “Plastik, Pasakit Sa Inang Daigdig”.
Sa pag aaral ng Ecowaste, noong 2014, sa 1,594 liters na basurang nakolekta sa Manila bay, 62% dito ay plastic.
Karamihan dito ay plastic bag, kasunod ay mga plastic wrappers.

Ayon kay Aileen Lucero, coordinator ng Ecowaste Coalition, hindi sapat ang ipinatutupad na plastic ban ng ilang local government units upang tugunan ang problema sa plastic ng bansa.

Iginigiit ng grupo na magpatupad ang pamahalaan ng national plastic ban. Anila dahil hindi natutunaw ang plastic at karaniwang itinatapon lang kung saan saan, bumabara ito sa mga daluyan ng tubig at nagiging sanhi ng mga pagbaha.
Ang iba ay napupulbos naman at kinakain ng mga isda.

Ayon kay Lucero, delikado sa kalusugan ng tao ang makakain ng ganitong mga isda dahil maari itong maging sanhi ng cancer.

Apela naman ng Ecowaste sa publiko baguhin na ang “tapon mentality” o ang walang pakundangang pagtatapon kung saan saan ng basura at matutong mag reuse, reduce at recycle upang makabawas sa dami ng plastic na basura.

Maigi din na sanayin na ang sarili sa pagdadala ng bayong o mga ecobags sa pamimili kaysa magbayad para sa plastic bag.

Panawagan din ng Ecowaste sa mga kumpanya, iwasan na din ang paggamit ng plastic sa packaging ng kanilang produkto at gumamit ng ibang alternatibo. (Victor Cosare/UNTV Correspondent)

Tags: , ,