Ecowaste Coalition at iba’t ibang sangay ng pamahalaan, nagsagawa ng “Iwas Paputok” campaign sa Maynila

by Radyo La Verdad | December 27, 2017 (Wednesday) | 8290

Idinaan sa isang parada ng Ecowaste Coalition ang kanilang panawagan sa publiko na huwag ng gumamit ng paputok sa pagpapalit ng taon. Kasama ng grupo ang mga kinatawan ng Department of Health, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at ilang opisyal ng barangay.

Panawagan ng grupo, sa halip na paputok gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay katulad ng kaldero, ukulele, maracas, tambourine at iba pa na walang sangkap ng nakalalasong kemikal. Bukod sa maari silang madisgrasya, nakakasama rin sa kalusugan ang paputok. Hinihikayat din ng grupo ang publiko na huwag ng gumamit ng mga pailaw.

Subalit ayon kay Assistant Secretary Maria Francia Laxamana ng Department of Health, kailangan pa rin ang masigasig na kampanya dahil may nakalulusot pa rin na mga iligal na nagbebenta at gumagamit ng paputok.

Nakamaximum deployment naman ang mga pulis mula December 31 hanggang January 1. Sa ngayon wala pang namomonitor na iligal na paputok sa Maynila ngunit tuloy-tuloy naman ang pagbabantay ng Manila Police District sa mga lalabag sa nasabing utos.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,