Economic team ng Duterte administration, hindi ikinokunsidera ang fuel tax suspension sa gitna ng oil price hike

by Radyo La Verdad | March 10, 2022 (Thursday) | 21741

METRO MANILA – Mayroong inilatag na mga hakbang ang economic team ng Duterte administration upang ibsan ang epekto ng Russia-Ukraine war at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Gayunman, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, hindi kabilang sa pinag-usapan ang pagkakaroon ng temporary suspension ng taxes sa mga piling petroleum products.

Kasunod ito ng panukala ng ilang mambabatas na suspindihin muna ang partikular na ipinapataw na buwis sa krudo.

“The way to do this, hindi pinag-uusapan at least in our eco-cluster, hindi pinag-usapan yung excise tax o value added tax kasi nga ito ang pagkukuhanan natin ng resources, ng pondo, para dito sa number 1 sa fuel subsidy na dinoble pa, from 2.5 billion to 5 billion pesos para sa public utility vehicles, mga jeep” ani DTI Sec. Ramon Lopez.

Ayon naman kay Acting Budget Secretary Tina Rose Canda, kailangang pag-aralang mabuti ang panukala lalo na’t mas maraming programa ng pamahalaan ang maaapektuhan kung magpapatupad ng tax cuts.
Samantala, pinag-aaralan na ng palasyo ang panawagang pagdedeklara ng State of Economic Emergency.

“Ito ay masusing pag-aaralan ng palasyo sa pamamagitan ng office of the executive secretary at nagpresenta nga kagabi ang economic team ni pangulo ng proposed government interventions kaya tingnan natin kung ang mga ito ay sapat na.” ani Acting Presidential Spokesperson/ PCOO Sec. Martin Andanar.

Sa kasalukuyan, maigting na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Ukraine.

Ayon kay Sec. Martin Andanar, may mga partikular na sitwasyon na posibleng magbigay-daan sa pagdedeklara ng State of Economic Emergency gaya ng isang full-blown o world war.

Ang mga katulad na isyu, kailangang pag-usapang mabuti ng gabinete ni Pangulong Duterte.

“It will require the full cabinet and it will require the security cluster, the economic cluster to convene on this. And of course, the president will be the one who would chair this meeting” ani Acting Presidential Spokesperson/ PCOO Sec. Martin Andanar.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,