Biglang kinansela kahapon ng Malacañang ang una nitong inanunsyo na press conference sana ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang oras bago ang takdang iskedyul.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagkaroon ng biglaang pagbabago sa format pero matutuloy pa rin ang itinakdang talk to the nation ng punong ehekutibo.
Sa halip, isang one-on-one interview ang isinagawa at si Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo ang nagtanong sa Pangulong Duterte hinggil sa sari-saring isyu.
Dito tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinatrabaho na ng kaniyang economic managers ang mga solusyon upang ibsan ang epekto ng high inflation o mabilis na antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon pa sa Pangulo, hindi maiiwasan ng pamahalaan ang mga ganitong uri ng suliranin.
Samantala, inihayag din ng punong ehekutibo na hiniling sa kaniya ng tagapanguna ng National Food Authority (NFA) na si Jason Aquino na alisin na siya sa pwesto.
Wala nang iba pang detalyeng ibinigay ang punong ehekutibo hinggil sa hiling ng opisyal, ngunit sinabi nito na naghahanap na umano siya ng makakapalit nito sa pwesto.
Una nang ipinanawagan ng iba’t-ibang grupo ang pinagbibitiw sa oposisyon ni Aquino dahil hindi maresolba ang suliranin sa suplay at mataas na presyo ng bigas sa bansa.
Ang mataas na presyo ng bigas ang isa sa mga nakikitang sanhi ng 6.4 percent headline inflation rate sa buwang ng Agosto; pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Ipinapanukala rin ng punong ehekutibo sa kaniyang mga economic manager ang patuloy na pag-import ng bigas at maging ang pagbili nito sa Sabah.
Irerekomenda rin nito sa Kongreso ang pagbuwag sa NFA Council dahil hindi naman aniya nagawa ang trabaho nito.
Muli ring isinulong ng punong ehekutibo ang panukalang rice tariffication.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )