Ebidensya vs personalidad na nasa drug matrix ng NBP, kinakalap na ng DOJ

by Radyo La Verdad | August 26, 2016 (Friday) | 1208

AGUIRRE
Drug related graft case ang balak na isampa ng pamahalaan laban sa mga personalidad na kabilang sa drug matrix sa New Bilibid Prison na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagamat kinukumpleto pa ang detalye ng pagkaka-ugnay ng pitong personalidad kabilang na si Senador Leila De Lima sa umano’y operasyon ng iligal na droga sa NBP, kinukumpleto na ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga ebidensya laban sa mga ito.

Tinitipon na rin ng Department of Justice ang mga sinumpaang salaysay ng mga testigo at sa oras na makumpleto na ang mga ito at maberipika ay sasampahan na ng kaukulang kaso ang mga sangkot na personalidad.

Kabilang sa mga testigo ay NBP jail guards, inmates at mga dati umanong kaibigan ng mga akusado.

Sa drug matrix, iniuugnay si Senador De Lima kay Ronie Dayan na dati niyang bodyguard at driver na tumatanggap umano ng buwanang payola mula sa drug personalities sa loob ng piitan sa pamamagitan ni Gen. Franklin Bucayo na dating Bureau of Corrections Chief.

Kabilang din sa isinasangkot si dating Pangasinan mayor at ngayo’y Pangasinan 5th District Congressman Amado Espino na umano’y pinakamayaman na politiko sa Northern Luzon at nagtamo ng hindi maipaliwanag na yaman.

Gayundin sina dating Justice Secretary Francisco Baraan at ang kapatid nitong si Pangasinan Provincial Administrator Rafael Baraan na umano’y nagtatakip ng lahat ng iligal na gawain ni Espino.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,