EastMinCom, naka-red alert status kasunod ng magnitude 7.4 at MSU bombing

by Radyo La Verdad | December 7, 2023 (Thursday) | 12928

Mahigpit na seguridad ang ipinapatupad ngayon ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) matapos iakyat sa red alert ang kanilang status kasunod ng nangyaring pagtama ng magnitude 7.4 na lindol sa Caraga Region at bombing incident sa Marawi City.

Kabilang sa isinagawang hakbang ang intensified checkpoint operations na ipinatutupad sa area of responsibility ng ahensya.

Kasama na rito ang bus boarding operations, foot and water patrols, at enhanced troop visibility sa mga crowded areas katuwang ang Davao City Police Office.

Samantala, naka-standby ngayon ang 30 Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) team na idineploy ng EastMinCom upang mag-assist sa bawat Local Government Units (LGUs) matapos ang tumamang lindol sa Hinatuan, Surigao Del Sur at mga apektadong bahagi ng Eastern Mindanao.

Maagap din ang pagsasagawa ng mobile security patrol ng AFP gayon na rin ng transportation assistance, monitoring/ocular inspection para sa mga nasirang imprastraktura at iba pa.

Batay sa latest report, nasa 16 na paaralan na ang apektado ng naturang lindol, habang mahigit 500 ang mga nasirang bahay, 38 gusali, at 4 na tulay ang partially o totally damage sa iilang bahagi ng Caraga at Davao Region.

Aabot din sa mahigit 3,000 pamilya na binubuo ng 61, 791 individuals kung saan 14 ang naitalang sugatan habang 3 ang kumpirmadong nasawi.

Ayon pa kay EastMinCom Commander Lt. Gen. Greg Almerol, bagaman nananatiling isolated ang bombing incident sa Marawi City, tinitiyiak aniya na hindi nila papabayaan kaligtasan ng Mindanao partikular ng Eastern Mindanao.

(Fe Gayapa | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,