E-voting at election posponement sa 2022 bunsod ng COVID-19 , imposible pa- Comelec

by Erika Endraca | June 29, 2021 (Tuesday) | 11032

METRO MANILA – Walang nakikitang dahilan ang Commission on Elections (Comelec) upang ipagpaliban ang 2022 national elections sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic ng bansa.

Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez maliwanag ang isinasaad ng batas ukol sa posponement ng elections.

‘In order for Comelec to suspend, enough na ang existing authority, ngayon ang kwestiyon lang anong justification ang ibibigay ng comelec and ayaw nating magsabi na pwede nating ilegislate yung justification just to create an excuse” ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.

Batay sa omnibus elections code, maaaring magkaroon ng suspensyon ng eleksyon kung magkakaroon ng karahasan, terorismo, pagkasira o pagkawala ng mga kagamitan o records sa eleksyon, mga hindi maiiwasang pangyayari na hindi nakokontrol ng estado tulad ng kalamidad na dahilan kaya imposibleng makapagdaos ng malayang halalan.

Dagdag ng Comelec, hindi rin posible sa ngayon ang online voting o pagboto sa pamamagitan ng internet upang maiwasan nang pumunta sa mga presinto na maaaring maging superspreader event.

Ayon kay Jimenez, maraming tumututol sa e-voting dahil sa usapin ng seguridad.

“Pero up to this point ang online voting has always been considered as viable option for overseas voters talaga, overseas voterrs talaga ang pinakatarget niya, medyo malalim po kasi ang oposisyon ng online voting pagdating sa local elections” ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.

Ayon sa political analyst na si Dr Clarita Carlos, malaki ang maitutulong kung maisusulong ang e-voting dahil sa magiging mabilis at maiiwasan ang hawaan ng COVID 19.

Samantala, nanawagan muli ang comelec ukol sa naglilitawan na ngayong “premature campaigning”.

“Ano ang pwedeng gawin ng mamamayan sa premature campaigning, e di huwag niyong iboto, dont reward bad behavior” ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.

Sinabi na ng poll body na wala pa silang magagawa sa mga pulitiko o mga opisyal ng pamahalaan na lumalabas na sa mga television at hindi pa naman ito maikokonsidera sa ngayon na political campaign dahil hindi pa naman sila naidedeklarang mga kandidato sa eleksyon.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,