E-payment sa passport application, inilunsad ng DFA

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 3545

Simula ngayong Hunyo ay epektibo na ang e-payment scheme ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang passport application sa Aseana consular office.

Target nilang ipapatupad na ito sa buong National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan at sa buong bansa naman sa darating na Agosto.

Ayon sa DFA, sa pamamagitan nito ay mas magiging madali na ang pagkuha ng pasaporte.

Gaya ng regular na appointment system, pumunta lamang sa passport.gov.ph at kumuha ng appointment, pagkatapos nito ay piliin kung saang payment center magbabayad. Kapag nakapagbayad na ay agad na makatatanggap ng email.

Pumunta sa scheduled appointment dala ang hinihinging requirements sa pagkuha ng pasaporte. Walang pagbabago sa singil sa pasaporte, maliban sa 50 piso na idadagdag kapag nagbayad sa mga payment center.

Sa pamamagitan ng e-payment scheme, maiiwasan na ang pagbebenta ng mga appointment slots at mawawala na rin ang mga fixer.

Kaugnay nito, nagbukas na rin kahapon ang dfa ng 100,000 appointment.

Ayon pa sa DFA, simula ngayong araw ay magbubukas na sila ng 10,000 appointment slots kada araw.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng DFA sa kanilang mga empleyado na sinasabing kasabwat ng umano’y sindikato na nagbebenta ng appointment slots.

Sa mga may problema sa e-payment system, pwedeng dumulog sa DFA sa telephone number 234 3488.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,