Duterte, naniniwalang suicide bombing ang nangyari sa Jolo

by Jeck Deocampo | January 30, 2019 (Wednesday) | 8818

MANILA, Philippines- Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na mag-asawang suicide bombers ang nasa likod ng pagsabog sa isang katedral sa Jolo, Sulu, noong Linggo, ika-27 ng Enero.

Aniya nakatanggap siya ng impormasyon mula sa intelligence agencies na isang babae at isang lalaki ang dahilan ng pagsabog.

Taliwas ito sa naunang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi suicide bomber ang nagdala ng bomba sa loob ng katedral base umano sa paglalahad ng mga biktimang nakaligtas sa pambobomba.

“…dalawa sa kanila ang nagsabi na may nakita silang babae na nag-iwan ng black
bag on the fifth row ng simbahan coming from the back, iniwan niya ‘yung bag, umalis
yung babae. A few seconds after, may sumabog. So, ‘yun ang method of deployment. So,
hindi siya suicide bombing,” ani Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyat.

Gayunpaman, iginiit ni Pangulong Duterte na walang nangyaring security lapses kaugnay ng insidente.

“Walang lapses doon because the other bomber was outside. There was no reason for him to be frisked,” aniya.

Bagama’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon, naniniwala rin ang Pangulo na ang teroristang grupong Abu Sayyaf ang nasa likod ng pambobomba.

Tags: , , , , ,