Duterte Administration, di masisindak sa bantang Nationwide Transport Strike – Malacañang

by Erika Endraca | September 30, 2019 (Monday) | 3894

MANILA, Philippines – Nanindigan ang Malacañang na tuloy ang modernisasyon ng Public Transport System dahil pangunahing interes ng gobyerno ang kapakanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kumbeniyente at accessible na transportasyon.

Kaya ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, di magpapasindak ang pamahalaan sa banta ng mga kilos protesta at nationwide transport strike ngayong araw (September 30).

Iba’t ibang lider ng mga Public Transport Organization ang nanawagan sa pamahalaang ipagpaliban ang implementasyon ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ayon naman sa palasyo, di nito pinipigil ang mga tsuper at operator ng PUV na makilahok sa nationwide strike ngayong araw (September 30).

Gayunman, nagbabala naman ang pamahalaan sa kanila na gawin itong mapayapa at iwasang magdulot ng anomang kaguluhan na magsasapanganib sa kaligtasan ng publiko.

Nakahanda aniya ang pamahalaang ipatupad ang batas kung kinakailangan kabilang na ang kanselasyon ng prangkisa para mamasada.

Kasabay nito, inatasan din ng palasyo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaang i-activate ang joint quick response team on transportation upang magbigay ng ayuda sa lahat ng maaapektuhang commuter dahil sa mga nakakasang demonstrasyon.
(Rosalie Coz | UNTVNews)

Tags: ,