Duterte admin, patutunayang hindi mahuhuli ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia-Pacific sa usapin ng economic recovery- Malacañang

by Erika Endraca | January 8, 2021 (Friday) | 4120

METRO MANILA – Posibleng mahuli ang Pilipinas sa mga bansang lubos na makakabawi mula sa pagkakalugmok ng ekonomiya bunsod ng Coronavirus pandemic.

Ayon sa moody’s analytics, makikita lang ang recovery ng bansa sa 4th quarter ng 2022 samantalang ang ibang ekonomiya naman ay makababawi na sa nawalang output sa katapusan ng taong ito.

Subalit ayon sa Malacañang, patutunayan ng Pilipinas na mali ang palagay ng moody’s analytics.

“Pero huwag kayong mag-alala, we will disprove that forecast wrong. At ito po ang dahilan kung bakit nagbubukas tayo ng ekonomiya at palaging sinasabi sa ating mga kababayan: pag-ingatan ang buhay ng tayo po’y makapaghanapbuhay.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ikinatuwa naman ng Malacañang ang mga ulat na naglalaan ang mga lokal na pamahalaan ng sariling pondo para sa Covid-19 vaccine.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng tripartite agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, national government at vaccine manufacturers kaugnay ng procurement sa Coronavirus vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda ang gobyernong mangutang para sa suplay ng bakuna subalit mababawasan ang pondong kailangang utangin kung papasanin ng mga lgu ang kinakailangang bayaran para sa suplay ng bakuna sa kani-kaniyang nasasakupan.

“Winewelcome din po nati ang initiatives ng mga Local Government Units na gamitin ang kanilang pondo sa pagbili ng vaccine kasi ibig sabihin nito, hindi na tayo mangungutang para bilhin ang mga bakunang nilalaan para sa kanilang mga lugar” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Nadadagdagan ang bilang ng mga lokal na pamahalaang nagpapahayag ng kahandaang maglaan ng pondo para sa pagbili ng Covid-19 vaccine sa kanilang mga residente.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,