METRO MANILA – Mahigit 2 buwan na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte bago tuluyang bumaba sa pwesto sa June 30, 2022.
Subalit ayon sa administrasyong Duterte, magpapatuloy sa maigting na pagta-trabaho ang gobyerno upang mailipat sa susunod na mamumuno ng bansa ang inclusive at sustainable na paglago ng ekonomiya.
Ginawa ng palace official ang pahayag matapos pumalo sa 4% ng inflation rate sa bansa noong March 2022 kasunod ng tuloy-tuloy na oil price hikes.
Mas mataas ito sa three percent inflation rate noong February 2022 subalit bahagyang mas mababa noong March 2021.
Pangunahing dahilan ang pagtaas ang presyo ng pagkain at energy costs.
Ayon naman kay Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, nakatutok ang economic managers sa usapin ng inflation.
Dagdag pa nito, hindi magre-relax at bagkus ay magdodoble-kayod ang ang pamahalaan upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon naman sa National Economic and Development Authority (NEDA), may mga nakahanda nang hakbang ang pamahalaan upang tulungan ang pinaka-apektadong sektor.
Target din ng gobyernong mapasailalim na sa COVID-19 alert level 1 ang buong bansa upang maibsan ang epekto ng inflation.
Samantala, naniniwala naman si Executive Secretary Medialdea, pansamantala lamang ang epekto ng pandemiya sa tuloy-tuloy na sanang pagsulong ekonomiya ng bansa dahil sa economic policies na naisulong na sa ilalim ng Duterte administration bago pa man ang pandemic.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Duterte administration, inflation