METRO MANILA – Ilang Linggo nang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa kabila nito, wala nakikitang dahilan ang Department of Trade and Industry (DTI) upang maglabas ng bagong Suggested Retail Price (SRP) bulletin ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay dahil iisang food manufacturer lang ang umapela sa ahensya na taasan ang presyo ng kanilang produkto.
“So sa ngayon, because we have not received a lot of requests naman, ilan-ilan pa lang din iyon, and like I mentioned earlier, may isa lang that we received after the Ukraine-Russia conflict. Hindi pa natin nakikita na mag-a-adjust tayo ng presyo sa ngayon.” ani DTI Spokesperson, Usec. Ruth Castelo.
Nagbigay din ng katiyakan ang DTI sa publiko na walang dapat ipag-alala dahil walang magiging agarang epekto ang Russia-Ukraine conflict sa presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon kay Usec. Castelo, may sapat na suplay ng produkto at raw materials ang food manufacturers gayundin ang retailers sa susunod na 3 buwan.
Gayunman, iba ang magiging sitwasyon kung lalala ang gulo sa Europe.
“We want to assure the public na ang presyo po ng mga pangunahing bilihin naiintindihan po natin kahit sa ayaw po natin o sa gusto, magkakaroon at magkakaroon ng impact sa atin pero, hindi pa po yan immediate. Hindi pa po yan sa ngayon, we’re looking at the next 3 months bago po mag-epekto yung nangyayari sa Europe” ani DTI Spokesperson, Usec. Ruth Castelo.
Sa kasalukuyan, kinukunsidera na at sinusuportahan ng DTI ang pag-iimbak ng agricultural products tulad ng imported frozen meat.
Enero nang maglabas ng huling SRP ang DTI.
(Rosalie Coz | UNTV News)