Regular na nag-iinspeksyon ang Department of Trade and Industry sa mga supermarket at grocery upang imonitor ang galaw ng presyo ng mga produkto.
Sa kanilang pag-iikot tulad sa Pasay City kahapon, wala pa umano silang namomonitor na mga lumalabag sa suggested retail price o SRP.
Ayon pa kay DTI Undersecretary Atty. Ruth Castelo, bagama’t nag-umpisa na ang implementasyon ng Tax Reform Accelaration and Inclusion o TRAIN Law, walang silang namonitor sa paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Subalit abiso ng DTI sa mga mamimili, anomang oras ay maaaring tumaas halaga ng mga bilihin dahil sa TRAIN Law. Maglalabas ng bagong SRP ang DTI kung sakaling tuluyan ng gagalaw ang presyo ng mga bilihin.
Samantala, nag-inspeksyon ang Department of Energy sa ilang mga gasolinahan sa Quezon City upang imonitor ang presyo ng liquified petrolium gas o LPG.
Sa kanilang pag-iikot, napansin nila na tumaas ang presyo ng LPG ngunit hindi pa umano ito malinaw kung dahil ba sa excise tax o dahil sa presyo ng langis sa world market. Kung sa excise tax sana, dapat ay sa Pebrero pa inaasahang magtataas ang LPG.
Paliwanag naman ng dealer, ibinagsak lang ng supplier sa kanila ang mga naturang LPG.
( Rajel Adora / UNTV Correspondent )