DTI, tutulungan ang mga maliliit na negosyante sa Western Samar

by Radyo La Verdad | June 20, 2016 (Monday) | 2657

JENELYN_DTI
Tinututukan ng Department of Trade and Industry ang iba’t-ibang peoples organization at Small and Medium Enterprises sa Western Samar upang tumaas ang kanilang kita at makalikha ng mga trabaho.

Sa inilabas na research and development report ng Philippine Statistical Authority ngayong 2016, lumalabas na ang Eastern Visayas ay pumapangalawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pinakamahirap na rehiyon sa buong bansa.

Kaya naman prayoridad ng DTI na mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na negosyante na kumita at magkaroon ng sariling market.

Ayon kay Ruthelma Samonte, ang Chief Business Development Division ng DTI Western Samar, karamihan sa produkto ng Samar ay food processing at handicrafts na maaaring ibenta bilang souvenir items.

Maliban dito, papayagan rin ng DTI na mag-loan ng puhunan ang mga maliliit na negosyante mula sa kanilang financing institution partners.

Plano rin nilang bigyan ng training at seminars ang mga taga-Samar hinggil sa pagpapalago sa kanilang negosyo, bigyan ng starting seed fund at ipakilala sa partners institution.

Hinikayat rin ng DTI ang mga mahilig mag-negosyo na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan upang matulungan sa proseso ng pagtatayo ng maliit na kumpanya.

Umaasa naman ang DTI na sa pamamagitan ng kanilang mga programa ay uunlad ang kabuhayan ng mga residente sa Samar.

(Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent)

Tags: , ,