Isa sa mga ipinag-utos ni Pres. Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address ang pagpapabilis ng proseso sa government services upang mas mapadali ang pagtatayo ng negosyo sa bansa.
Kaya naman sa kauna-unahang public hearing ng Senate Committee on Trade Commerce and Entrepreneurship, tinalakay agad ang mga maaaring magawa ng Senado katuwang ang Department of Trade and Industry o DTI at ang pribadong sektor upang maisakatuparan ito.
Nagkasundo sila na gumawa ng mga hakbang upang ma-streamline at gawing automated na ang mga proseso ng pagkuha ng business permits.
Ayon kay Sen. Miguel Zubiri, maaaring gawing centralized sa isang ahensya nalang ang pagkuha ng business permit, depende sa negosyo.
Hinalimbawa nito ang kinakailangang 206 signatures ng power plant businesses upang masimulan lang ang negosyo.
Ayon kay Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, malaki ang ilalago ng ekonomiya kung mas mabilis ang mga proseso sa pamahalaan.
Ayon naman kay Go Negosyo Founder Joey Concepcion, kailangan tutukan ng pamahalaan ang mga small and medium enterprises, o iyong mga maliliit na negosyo.
At bilang bahagi ng pribadong sektor, handa silang makipagtulungan sa pamahalaan sa mga hakbang nito.
Nilalayon ng kumite ni Sen. Zubiri na bago matapos ang taon ang maipasa na sa 2nd reading ang panukalang batas upang amendyahan ang Anti Red Tape Law.
(Joyce Balancio/UNTV Radio)
Tags: Senate Committee on Trade Commerce and Entrepreneurship