METRO MANILA – Posibleng tumaas ang presyo ng ilang bilihin partikular na ang mga holiday food items gaya ng ham, tomato sauce at cream products.
Bunsod ito ng kahilingan ng ilang manufacturers sa Department of Trade and Industry (DTI).
“Syempre kasi yung packaging iyan eh. Alam naman natin, tumaas na yung presyo ng tin can dahil global prices yan. So, tumaas ang presyo ng packaging nila and other cost components.” ani DTI Usec .Ruth Castelo.
Pero ayon sa dti, kailangang unang isaalang-alang ang kakayahan ng mga consumer.
Kaya aapila rin ang kagawaran sa mga manufacturer na gamitin pa rin ang 2019 Suggested Retail Price gaya noong December 2020.
“So, we’ll see if we can keep that. Kung hindi, mag-a-adjust sila siguro ng kaunti. Ang request natin sa manufacturers, to keep the adjustment at the absolute minimum.” ani DTI Usec .Ruth Castelo.
Ayon naman sa laban konsyumer, hindi kakayanin ng mga consumer ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Bukod kasi sa patuloy na krisis dulot ng pandemya, walang tigil rin ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Kung gusto talaga nilang mag-generate ng benta even during the pandemic, ang mabuti status quo na lang muna ang presyo doon sa mga noche buena products sa halip na taasan pa.” ani Laban Konsyumer Inc. President, Atty Victorio Dimagiba.
Payo ng DTI sa mga consumer, bumili na ng mga holiday food items hangga’t maaga pa kung hindi talaga maiiwasan ang price increase.
(Asher Cadapan Jr.| UNTV News)