DTI, nagbabala sa mga nanloloko sa online delivery

by Erika Endraca | December 25, 2020 (Friday) | 4486

METRO MANILA – Pasado na sa kamara ang House Bill 7805 o ang internet transaction act na mabibigay ng proteksyon sa mga merchant, customer at maging sa mga 3rd party o ride-hailing providers.

Maaaring pagmultahin ang customer na lalabag dito ng hanggang P50,000 habang hanggang P500,000 naman ang mga online merchant at ride hailing service providers.

Pero ayon kay DTI Usec Ruth Castelo, sa ngayon ay maaaring makasuhan ng estafa ang mga gumagawa ng prank order sa ilalim ng revised penal code.

Ito ay mga oorder online gaya ng pagkain pero biglang kakanselahin dahil ang intensyon lamang pala ay manloko o mang-agrabyado.

Ayon kay Usec. Castelo, nakahanda ang Philippine National Police at ang National Bureau of Investigation (NBI) para tumanggap ng reklamo.

Ang kailangan lamang aniya ay itago o sinupin yung maaaring gamitin ebidensya gaya ng mga text, numero, oras ng pagtawag at iba pang pagkakakilanlan.

“Makukulong yan kailangna lang tulungan din tayo ng complainant kung siya yung seller o yung food delivery platform na makapag complain siya mag execute ng affidavit at makapag complain. tutulungan natin sila sa PNPor sa NBI” ani DTI Usec Ruth Castelo.

Samantala, nagpaalala din ang DTI sa mga online shoppers na suriing mabuti ang mga bibilhang online store kung lehitimo ang mga ito para hindi madismaya sa mga bibilhing produkto.

Dumami ang mga online seller ngayon subalit dumami rin ang mga reklamo na natatanggap ng dti na umabot na sa mahigit 15,000 ngayong taon kumpara sa nasa 2,500 lamang noong 2019.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,