DTI, hinimok ng isang consumer na aksyunan ang hindi pagsunod ng ilan sa SRP

by Radyo La Verdad | August 10, 2018 (Friday) | 2915

Nag-ikot sa ilang supermarket kahapon ang Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na nakakasunod ang mga ito sa suggested retail price (SRP). Nais makumpirma ng kagawaran kung totoo ang natanggap nilang impormasyon na may mga overpriced na mga produkto.

Sa mga nalibot na supermarket, karamihan ay nakakasunod naman sa expanded SRP. Subalit kumpirmado na mayroong mga nagtaas ng presyo.

Ayon naman sa DTI, kung may nagtaas man ng presyo, mayroon pa rin namang mabibili sa mababang halaga. Pinababayaan na lamang daw ng DTI kung mayroong isa o dalawang produkto na nagtaas ng presyo dahil marami pa namang produktong maaaring pagpipilian.

Kung nag-ikot ang DTI, isang price inspection rin ang ginawa ng consumer group. Natuklasan ng mga ito na mas mahal ng 0.5 hanggang 1.50 ang ilang produkto na binebenta sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ayon sa Laban Konsyumer, mataas ito kumpara sa nakalista sa bagong expanded SRP ng DTI. Ipinahayag ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba na dapat ay umaksyon ang DTI upang hindi mahirapan ang mga consumer sa tuloy-tuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Aniya, dapat ay ihinto muna ng DTI ang pagtanggap sa mga price hike application hanggang sa unang quarter ng taong 2019, hikayatin ang mga consumer na huwag muna tangkilikin ang mga easy open canned goods dahil mas mahal ito ng singkwenta sentimo.

Ipatupad na ang probisyon sa TRAIN 1 na magbibigay ng 10% discount sa NFA rice sa kalahati ng populasyon ng mahihirap na mga Pilipino at mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga basic necessities and prime commodities sa buong bansa.

Samantala, inilunsad kahapon ng DTI ang kanilang bagong consumer hotline na 1-DTI o 1384. Ito ang numero na maaaring tawagan ng mga consumer sa anumang problema na may kinalaman sa kanilang reklamo sa mga produkto at iba pang consumer concern.

Ang 1384 ay tollfree para sa lahat ng consumer sa buong bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,