Apat na numero na lamang ang kailangang tandaan upang maiparating ng mga mamimili ang kanilang mga katanungan at reklamo sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ang hotline 1-DTI o 1384 ay toll free na maaaring tawagan ng mga consumer sa buong bansa simula ngayong linggo. Ngunit nilinaw naman ng DTI na nananatili pa rin ang lumang hotline number na 751-3330.
Pero kaiba sa dating hotline number, ang bagong consumer hotline na ginawa ng kagawaran ay naka sentro lamang sa mga consumer related inquiries.
Sasagot ito sa mga tanong at problema gaya ng no return no exchange policy, kalidad at kaligtasan ng isang produkto, dahilan bakit may price tag at iba pa.
Noong 2017, nasa halos walong libong problema ng mga consumer ang natanggap ng DTI. 20% dito ay inendorso sa iba’t-ibang mga government agency, 16% naman ay sa iba’t-ibang district offices.
Ayon sa DTI, 99.38% ang nabigyan ng solusyon mula sa mga reklamong natanggap nila.
Karamihan anila sa mga reklamong kanilang natatanggap ay hinggil sa product and service warranty at hindi magandang serbisyo ng mga produkto.
Nangunguna ang cellphone, refrigerator at television sa mga produkto na madalas na inirereklamo ng mga consumer.
Nagbabala naman ang DTI sa mga consumer na bibili ng mga mamahaling gamit na wala man lamang warranty.
Lahat ng mapapatunayang nakalabag sa karapatan ng mga consumer ay mapapatawan ng paglabag sa Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: consumer hotline, DTI, Republic Act 7394