METRO MANILA – Patuloy ang pagre-release ng payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang mga Unconditional Cash Transfer (UCT) beneficiaries sa pamamagitan ng cash card.
Ipinaliwanag naman ng ahensya na ang paggamit ng cash cards ay isa sa mga pagbabagong ginawa sa panahon ng pandemya upang maiwasan ang pagkahawa sa nakamamatay na salot.
Sa kasalukuyan, naipamahagi na sa 458,567 UCT-Listahanan beneficiaries mula sa Region II, VIII, IX, X, at CARAGA ang nasa P1.65 billion UCT grants gamit ang kani-kanilang cash card.
Gayundin, nakuha na rin ng nasa 596,819 UCT-Social Pension beneficiaries mula sa
CAR, CARAGA, II, III, IX, at NCR ang kanilang UCT grants sa pamamagitan pa rin ng cash card.
Cash card din ang ginamit na mode of payment ng 300,912 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa pagkuha nila ng kanilang benepisyo.
Siniguro naman ng ahensiya na patuloy ang pamamahagi nila ng tulong sa mga vulnerable sectors ngayong panahon ng pandemya.
(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)