DSWD, tutulong sa pagbabantay ng pamamahagi ng P1,000 na ayuda sa NCR Plus

by Erika Endraca | April 5, 2021 (Monday) | 6549

METRO MANILA – Inaasahang irerelease ngayong araw (April 5) ng Bureau of Treasury sa mga Local Government Unit (LGU) ang P29.9-B pondo na ayuda ng pamahalaan  sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, pinakaamaagang panahon upang ito’y maipamahagi sa mga benipisyaryo ay sa araw ng Martes o Miyerkules.

At upang matiyak na mapupunta sa mga kinauukulan ang mga tulong ng pamahalaan at hindi magagamit sa anumang propaganda… Tutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga LGU sa pagmomonitor ng pamamahagi nito.

Sa pamamagitan ito ng joint monitoring and inspection team kung saan makakasama nila ang DILG City/Municipal Local Government Operations Office, Philippine National Police (PNP), City /Provincial Prosecutors Office, at Civil Society Organizations (CSOs).

Sila ang magmomonitor sa mga sumbong o reklamo laban sa sinomang public officials kaugnay ng pamamahagi ng ayuda.

Sila rin ang tutugon kapag mayroong mga anomalya, irregularidad o delay.

Magkakaroon ang mga ito ng hotline kung saan maaaring magsumbong ang mga benipisyaryo.

Nagbabala naman ang DILG sa mga public officials na gagamit ng kanilang mga larawan o pangalan sa ipamamahaging ayuda.

Posibleng maharap ang mga ito sa paglabag sa Section 82 ng General Appropriations Act o administrative charges sa ilalim ng Commision on Audit Circular 2013-004 na nagbabawal sa ganitong Gawain.

Nasa pagpapasya ng mga LGU kung ipamamahagi nila ang ayuda sa mga apektadong residente ng in-cash o in kind.

Kapag in-cash, dapat ay maipamahagi ito sa loob ng 15 calendar days at 30 calendar days naman kapag in-kind.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,