Muling nagpapaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga opisyal na ginagamit umano ang pondo ng DSWD para sa mga ambisyong pulitikal.
Ayon kay DSWD Sec. Dinky Soliman, nakarating sa kaniyang tanggapan ang iba’t-ibang reklamo na sinasabing nagbibigay umano ng bonus ang ilang mga pulitiko, subalit ang mga ito ay pondo ng DSWD para sa mga benepisyaryo nito.
Dagdag pa ni Soliman, ang programang Pantawid Pamilya Program ay hindi dapat minamanipula ng sinomang pulitiko lalo na kung gagamitin sa pansariling interes lamang.
Bukas ang tanggapan ng DSWD at hinihikayat ang publiko na isumbong ang mga abusadong pulitiko.
Maaari silang tumawag o magtext sa 09189122813 o kaya naman sa mga social media account ng ahensya gaya ng Facebook at Twitter. I-type lamang ang reklamo o kaya’y bumisita sa pinakamalapit na DSWD Regional Office.(Joms Malulan/UNTV Radio)