DSWD, na-delay sa pagbibigay ng pensyon sa mga indigent senior citizen noong 2018 – COA

by Erika Endraca | July 29, 2019 (Monday) | 22809

MANILA, Philippines – Hindi umano nasunod ang tamang pagbibigay ng pensyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo nitong senior citizens sa ilalim ng social pension program ng ahensya.

Ayon sa 2018 report ng Commission On Audit (COA), dahil umano iyon sa delayed na liquidation ng fund transfer ng mga Local Government Units (LGUs)

Sa ilalim ng programa, dapat maibigay ang P500 tulong kada buwan sa mga benepisyaryong indigent o mahihirap na senior citizen sa unang buwan kada kapat o quarter ng taon, alinsunod sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act.

Napag-alaman din ng COA na sa mayroon umanong mga kasama sa listahan na yumao na, o hindi naman kaya’y nakatatanggap naman pala ng pensyon mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa 650 senior citizen beneficiaries na nakapanayam ng COA sa NCR, napag-alamang 46 ang nakatatanggap ng pensyon sa SSS at Government Service Insurance System (GSIS), habang 12 ang nakatatanggap naman ng suporta mula sa mga kamag-anak o di naman kaya’y may mga negosyo, at 89 ang kumikita sa pagsa-side line o part-time jobs.

Kaya naman ang rekomendasyon ng COA sa ahensya, gumawa ng bagong listahan ng mga benepisyaryo upang maiwasan ang paglalabas ng sobrang pera.

Samantala, inirekomenda rin nitong pumasok ang ahensya sa isang “data sharing agreement” sa National Privacy Commission (NPC) kasama ang SSS, GSIS at Armed Forces and Police Mutual Benefit Association Incorporated (AFPMBAI) upang maalis na listahan ang mga nakatatanggap na ng pensyon sa mga naturang ahensya.

Nais din nitong katukin ang mga lokal na pamahalaan na i-submit ang mga birth at death certificates upang mas maberipika ang pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo.

(Harlene Delgado | Untv News)

Tags: , , , ,