DSWD, may nakitang discrepancy sa bagong “Listahan” ng mahihirap na Pilipino                                            

by Radyo La Verdad | August 9, 2022 (Tuesday) | 2775

Muling pag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Listahanan” 3 na bagong database ng mga mahihirap na Pilipino na kalulunsad lamang noong nakaraang linggo. Ito rin ang gagamiting batayan sa mga ipapalit na miyembro ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) na aalisin na sa listahan dahil guminhawa na ang buhay at napagtapos na ang kanilang mga anak.

Paliwanag ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, nakitaan ng ahensya ng discrepancy ang bagong listahan kung saan may mga lehitimong mahihirap na hindi naisama.

“We are currently reviewing our “Listahanan” 3 because of some discrepancies. Bakit natin aalisin itong mga tao na ito kung hindi pa talaga sila nakakatayo sa kanilang mga paa? Meron po tayong problema sa ating listahanan 3,” ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo.

Ilan sa mga ito ay mga nanay na iniwan ng asawa at mag-isa na lang na itinataguyod ang kaniyang mga anak, gayon din ang mga indigenous people na nasa tatlong libong piso lamang ang kinikita kada buwan.

“May nakita po akong mali, paano ko po nakita. Because from the list given to me na “Listahanan” 3, pina-check ko po. ‘Yung sinasabi nilang non-poor ay poor pala ho, yung sinasabi nilang kaya nang tumayo sa sariling mga paa, binalikan po namin lumala pa,” pahayag ni DSWD Sec.Tulfo.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa National Targeted Housing System for Poverty Reduction para muling pag-aralan ang naturang “Listahan”.

Ayon sa kalihim, layon nito na tiyakin na talagang nakakaangat na sa buhay ang aalisin sa listahan at siguradong hirap naman sa buhay ang ipapalit na mga myembro.

“I don’t want people removed from our 4Ps program kung hindi pa naman talaga dapat alisin, because it is unfair. Though I know na marami pang nagaantay, though I know alam ko na marami pang gustong pumasok diyan,” dagdag nis Sec. Erwin Tulfo.

Batay sa inisyal na record ng “Listahanan” 3, nasa 5.5 million household ang maituturing na mahihihirap. Dito kukunin ng DSWD, ang nasa halos dalawang milyong ipapalit sa mga aalisins miyembro ng 4ps.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,