DSWD, mamamahagi ng Emergency Subsidy para sa mga pamilyang apektado ng granular lockdown

by Erika Endraca | September 28, 2020 (Monday) | 4160

METRO MANILA – Ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang cash assistance pagkatapos ng pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, para ito sa mga low income families na apektado ng mga ipinatutupad na mga granular lockdowns.

Ayon sa Malacañang, nasa P5,000 hanggang P8,000 ang matatanggap na ayuda ng mga apektadong pamilya.

Kukunin ang naturang pondo sa P6-B na inilaan sa DSWD sa ilalim ng Bayanihan 2 law.

“Kasalukuyan isinasapinal ang mga panuntunan hinggil dito upang makapag umpisa na tayo sa implementasyon ng nakasaad sa batas.”ani DSWD  Sec. Rolando Bautista.

Maliban sa cash assistance, tututukan din ng DSWD ang mga regular na programa nito katulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Sa ilalim ng AICS, maaaring humingi ng tulong sa DSWD para sa pamasahe pauwi ng probinsya o lugar, tulong pampabayad sa ospital at gamot, pagpapalibing, pagkain, gastos sa pagpapaaral at iba pa.

Mamahagi rin ang ahensya ng livelihood assistance grants, supplementary feeding program, social pension for indigent senior citizen at probisyon para sa mga food and non-food items.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,