METRO MANILA – Inilaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P500-M para sa educational assistance ng mga estudyanteng mahihirap sa Pilipinas.
Ito ay sa ilalim ng assistance to individuals in crisis situation program ng ahensya.
Ang lahat ng kwalipikadong estudyante ay makatatanggap ng P1,000 para sa elementary student. P2,000 sa high school, P3,000 sa senior high school at P4,000 para sa papasok sa college o vocational course.
Hanggang 3 estudyante sa 1 pamilya ang maaaring makakuha ng ayuda.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, pwedeng ang magulang ng elementary students ang kumuha ng ayuda basta’t magdala lamang ng Certificate of Enrollment (COE) at school ID ng bata.
Dagdag pa ng kalihim, sa main office ng DSWD o mga satellite office ng ahensya sa mga probinsya na maaaring makuha ang assistance o maaaring magtanong sa kanilang mga municipal office.
Umaasa si Secretary Tulfo na tanging mahihirap lamang sana ang kukuha ng ayuda para sa mga kanilang school supplies, uniform o dagdag pang tuition.
Nagbabala rin ang kalihim sa mga nagsusumite ng mga pekeng dokumento para lamang makakuha ng ayuda sa DSWD.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: DSWD, Educational Assistance