Iginiit ng Department of Social Welfare and Development na matagal na nilang tinutulungan ang mga street dweller sa mga kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, 2013 palang nagpatupad na sila ng programa upang maialis ang mga pamilya at batang nakatira sa kalsada.
Paliwanag naman ni Soliman, matagal nang ginagawa ng mga LGU particular na sa Maynila at Pasay ang pag-aalis at pagbibigay tirahan sa mga pamilya at batang nakatira sa kalsada bilang bahagi ng pag-ayuda sa kanila.
Sinabi ni Soliman na sa katunayan nasa 4 na libo nang street families ang nairehistro sa modified conditional cash transfer program at nasa tatlong libo na rin sa mga ito ay may mga tirahan na .
Muli ring pinabulaanan ni Soliman na kaya nila inaalis ang mga street dweller sa kahabaan ng Roxas Boulevard ay dahil sa nalalapit na APEC Summit na gaganapin sa PICC.
Ilang kalsada sa Metro Manila ang dadaanan ng mga APEC Delegate tulad ng ilang bahagi ng EDSA at Roxas Boulevard.
Sa Roxas Boulevard kadalasang makikita ang mga street children at families. (Darlene Basingan / UNTV News)