DSWD, hindi babawasan ang 4Ps recipients kahit hindi umano nakakasunod ang iba sa patakaran sa paggamit ng pondo

by Radyo La Verdad | January 3, 2017 (Tuesday) | 2078

DSWD-FACADE
Kamakailan ay napaulat na ginagastos umano sa sugal o bisyo ang cash grant na tinatanggap ng ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng pamahalaan.

Ngunit giit ng Social Welfare Secretary na si Judy Taguiwalo, hindi ganito ang nakararaming benepisyaryo ng social assistance fund ng pamahalaan.

Sa ilalim ng programa, ang isang mahirap na pamilya ay maaaring makatanggap ng anim hanggang 15 libong pisong ayudang pinansyal para sa aspetong edukasyon at kalusugan mula sa gobyerno bawat taon.

Bukod pa ito sa ibinibigay na supply ng bigas sa mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, 4.4 million ang bilang ng pamilyang nakikinabang sa programa.

At sa kabila ng mga ulat ng pang-aabuso sa social assistance fund, nanindigan ang pamahalaan na walang pangangailangang bawasan ang bilang ng benepisyaryo ng programa.

Sa aprubadong pondo ng DSWD para sa 2017, 78.2 billion pesos ang nakalaang budget para sa 4Ps.

Ngunit aminado ang kalihim na hindi solusyon sa kahirapan ang Pantawid Pamilya Pilipino Program kundi ang pagpapaunlad sa programang pang- ekonomiya ng bansa.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,