DSWD at DOH, magsasagawa ng psychological debriefing sa pamilya ni Joanna Demafelis

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 2708

Nagtungo sa bahay ng pamilya Demafelis ang mga tauhan ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) upang tignan ang kalagayan ng mga ito matapos ang sinapit ng kaanak na si Joanna na nakitang patay sa loob ng freezer sa Kuwait.

Isa-isang kinausap ng mga ito ang mga magulang at kapatid ng Filipina overseas Filipino worker upang malaman ang kanilang saloobin kaugnay sa sinapit ni Joanna.

Ayon sa kapatid ni Joanna na si Joejit, matinding sakit sa kalooban ang kanilang nararamdaman dahil sa insidente.

Hindi nila inakala na ito ang kahahantungan ni Joanna sa Kuwait. Wala naman aniya hinangad ang Pinay worker kundi ang makatulong sa pamilya.

Ayon kay Dr. Donnabelle Quindipan, psychiatrist ng DOH Region 6, kailangan na mabigyan ng psychological first aid ang pamilya ni Joanna upang maibsan ang lungkot na kanilang nararamdaman. Makatutulong din aniya ito upang unti-unti nilang matanggap ang nangyari sa kaanak at makapamuhay muli ng maayos.

Ang psychological first aid ay ibinibigay sa mga taong nakaranas ng mga traumatic event o matinding pangyayari sa buhay. Layon nito na masolusyunan ang mga pangunahing pangangailangan at mabawasan ang psychological stress na nararamdaman ng isang indibidwal sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalinga at edukasyon hinggil sa stress.

Samantala, bukas ay nakatakda namang dumalaw sa burol at makiramay sa pamilya ni Joanna Demafelis si Pang. Rodrigo Duterte.

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,