METRO MANILA – Pinag-iingat ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) CAR ang mga kliente, stakeholders at ang publiko patungkol sa grupo na nagpapakilalang Bagong Bansang Maharlika (BBM) International Inc. na umano’y nanghihingi ng P100 membership fee na requirement para makasali sa iba’t ibang mga programa at mga serbisyo ng DSWD.
Ayon kay DSWD FO CAR Regional Director Leo Quintilla, hindi nanghihingi sa anomang paraan ng salapi o bayad kapalit ang mga serbisyo at programa ang kanilang ahensya.
Dagdag pa ni Quintilla, ang travel clearance lamang ng mga menor de edad papuntang abroad ang serbisyo na nangangailangan ng minimum fee bago maibigay.
Ang nasabing clearance ay required para sa mga menor de edad papuntang abroad na mag-isa o kahit hindi kasama ang magulang.
Kasunod ito ng natatanggap na ulat ng DSWD-CAR sa umano’y pangongolekta ng BBM International Inc. ng membership fee sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
(Ian Joshua Vicente | La Verdad Correspondent)