DSWD at UP Law Center, magbibigay ng child support para sa mga batang may magulang na foreigner o Pinoy sa ibang bansa

by Radyo La Verdad | February 6, 2023 (Monday) | 8795

Metro Manila – Nakipagsosyo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa University of the Philippines (UP) Law Center hinggil sa pagpapatupad ng “Convention of 23 November 2007 on the International Recovery of Child Support and Other Forms of Family Maintenance” sa pamamagitan ng pagpirma sa isang Memorandom of Agreement (MOA) na ginanap sa UP Diliman College of Law nitong January 30.

Sa pamamagitan ng Convention na ito, maaaring humingi ng tulong mula sa DSWD ang mga pamilyang Pilipino para mahanap ang kanilang mga asawa na naninirahan sa ibayong bansa upang makakuha ng suporta sa kanilang mga anak, gayundin sa mga foreign national.

Ayon kay UP Law Center Dean Edgardo Carlo Vistan II, sinisigurado niyang ang kanilang mga kasamahan sa DSWD at sa DFA ay magiging handa sa paggawa upang matiyak na ang mga pangangailangan at interes ng mga bata sa buong mundo ay matutugunan.

Ang DSWD ang nakatalagang magpapadala at tatanggap ng applications mula sa “creditor” o ang pamilyang humihingi ng child support at mula sa “debtor” o ang legally obliged provider, gayun din sa pagkuha ng mga kinakailangan para sa documentary, at iba pang proseso ng aplikasyon.

Samantalang ang UP Law Center naman ang tutulong para mabigyan ng legal assessment at mga advice ukol dito.

(Ella Nicole Banao | La Verdad Correspondent)

Tags: