DSWD at iba pang kasapi ng Task Force Face Mask, namahagi ng mahigit 1M face masks sa mga mahihirap na pamilya

by Erika Endraca | November 11, 2020 (Wednesday) | 3476

METRO MANILA – Umabot sa 1,218,790 ang kabuoang face masks na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang iba pang ahensya kabilang ang Task Group Face Mask (TG FM) sa mga Local Government Unit (LGU) ng Metro Manila.

Ilan sa mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila na napagkalooban na ng libreng face masks ay ang mga sumusunod: Muntinlupa City, Pateros City, San Juan City, Navotas City, at Mandaluyong City.

Samantala, ayon sa ulat ng ahensya, kasama rin ang probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Bulacan, mga natitira pang LGU ng National Capital Regional at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang mababahaginan ng libreng face masks.

Layunin ng proyektong “Libreng mask para sa Masa” na matulungan ang mga mahihirap na mamamayan na magkaroon ng libreng face masks upang maiwasan o mapigilan ang mabilisang pagkalat Covid-19 partikular sa mga lugar na matataas ang mga naitatalang kaso.

Matatandaang nabuo ang Task Group Face Mask (TG FM) matapos ilabas ng Office of the President ang memorandum order no. 49 series of 2020 na nagsasaad na lahat ng concerned government agencies ay dapat makiisa sa produksyon at distribusyon ng mga libreng face masks sa mga mamamayan.

(Kyle Nowel | La Verdad Correspondent)

Tags: ,