DSWD 6, nagsasagawa na ng assessment para sa ibibigay na livelihood program sa mga naapektuhan ng Boracay closure

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 1777

Community assemblies at profiling ng mga magiging beneficiaries ang isinasagawa ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 6 para sa ibibigay na livelihood program sa mga residenteng apektado ng pagsasara ng Boracay Island sa mga turista.

Ayon kay Luna S. Moscoso, Disaster Risk Management Division Chief ng DSWD 6, kinakailangan maisagawa muna ang livelihood assessment sa mga residente bago ibigay ang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa mga ito. Ito rin aniya ang magiging basehan kung anong pangkabuhayan ang ibibigay ng ahensya sa mga residente sa isla.

Ayon sa ulat na ibinigay ng local government unit ng Malay sa DSWD, nasa mahigit 11,000 ang mga pamilyang apektado ng Boracay closure.

Ang SLP ng DSWD ay pinaglaanan ng 280 milyong piso na pondo na kukunin naman sa dalawang bilyong pisong calamity fund ng isla.

Inaasahan naman ng ahensya na masisimulan sa lalong madaling panahon ang SLP.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,