Dry run sa paglilimita ng mga provincial bus sa Edsa, planong isagawa ng MMDA

by Radyo La Verdad | July 2, 2018 (Monday) | 2774

Bago ang tuluyang pagpapatupad ng planong paglilimita sa pagdaan ng mga provincial buses sa Edsa, pinag-iisipan ngayon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magsagawa muna ng dry run upang maagang maipaalam sa mga motorista ang bagong polisiya at makita ang inisyal na magiging epekto nito sa pagpapaluwag ng trapiko sa Edsa.

Base sa bagong patakaran ng MMDA, lilimitahan na ang oras ng pagdaan ng mga provincial bus sa Edsa, simula Taft sa Pasay hanggang sa Edsa Cubao. Iiral ito simula alas singko hanggang alas diyes ng umaga at alas singko ng hapon hanggang alas diyes ng gabi.

Epektibo ang bagong traffic management scheme simula Lunes hanggang Biyernes sa north at south bound ng Edsa habang lifted naman ito kapag Sabado at Linggo.

Layon ng bagong traffic scheme na bigyang daan ang gagawing mga pipe-laying, flood control projects at mga road reblocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kahabaan ng Edsa.

Sa pagtaya ng MMDA, tinatayang aabot sa dalawang libong mga bus ang inaasahang mawawala sa Edsa sa oras na maipatupad ang bagong batas trapiko.

Ang sinomang lalabag sa patakaran ay pagmumultahin ng MMDA ng dalawang libong piso. Kaugnay nito, exempted na sa number coding scheme ang lahat ng mga provincial bus.

Ayon sa MMDA, ito’y upang maibyahe ng mga operator ang lahat ng kanilang mga bus at makabawi sa posibleng pagkalugi na maaring idulot ng bagong batas trapiko.

Inabisuhan naman ng MMDA ang mga provincial bus operators na planuhin ang oras ng biyahe ng kanilang mga bus upang masigurong makasusunod ang mga ito sa bagong polisiya.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

o ang

 

 

Tags: , ,